Alice Dixson nadukutan sa mall

ISINIWALAT ng aktres na si Alice Dixson na nadukutan siya ng anim na hinihinalang miyembro ng sindikato sa isang mall sa Makati kamakailan.


Ayon kay Alice, naganap ang insidente nitong Miyerkules habang nag-iikot siya sa hindi-pinangalanang mall.


Aniya, pinalubutan siya ng limang babae at isang lalaki na nakasuot pambabae.


“It was a group effort of 4 to 6 women (one was a crossdresser man), two of which bumped me from the front and back,” ayon sa aktres.


“(This is) the first time I was ever pickpocketed in my life. Yes po nadukutan ako while shopping in the mall,” dagdag niya.


Nakuha ng grupo ang kanyang cellphone.
Ayon kay Alice, naganap ang insidente isang araw bago siya sumailalim sa quarantine para sa lock-in taping ng isang teleserye.


Ang payo niya sa mga mall shoppers: “Please be very, very mindful of your belongings and people na dumidikit-dikit sa inyo sa public spaces,” aniya.


Idinagdag niya na ngayon lang niya isiniwalat ang pangyayari dahil inimbestigahan pa ng mall ang pangyayari.


Hindi naman sinabi ng aktres kung naidulog na niya sa pulisya ang insidente. –A. Mae Rodriguez