Ai-Ai nag-sorry na kay QC Mayor Joy Belmonte; ‘Persona-no-grata’ tag matanggal na kaya?

HUMINGI na ng apology ang aktres-comedian na si Ai-Ai delas Alas kay Quezon City Mayor Joy Belmonte dahil sa pambabalahura sa official seal ng lungsod noong panahon ng kampanya.

Matatandaan na idineklara ng Quezon City government na “persona-non-grata” si Delas Alas at ang kontrobersyal na direktor na si Darryl Yap dahil sa video na naipost noong nakaraang taon kung saan ginampanan ng aktres ang papel na si “Ligaya Delmonte”. Sa nasabi ring video ay makikita ang seal ng pamahalaang lungsod ngunit ito ay inedit.

Sa panayam sa kanya ni Boy Abunda nitong PEb. 10, sinabi ni Delas Alas na nagawa lamang anya ito dahil siya ay artista at sumusunod lang sa utos ng direktor.

Hindi rin niya anya alam ang ibig sabihin ng persona-non-grata.

“Hindi ko akalain na gano’n pala ‘yon kasi nung ginawa ko po ‘yon bilang artista po,” ayon sa aktres. “Sila naman ang gumawa ng script no’n—si direk (Darryl Yap)—tapos ako ‘yung artista.”

At dahil don, nag-sorry na siya sa alkalde.

“But since ayun na nga, na-offend siya—pasensya na mayora na ako pala ay nakasakit sa ‘yo, pero artista lang ako…kumbaga, kaya nagawa ko ‘yon kasi inutos lang sa akin.”