PAPASUKIN na nang tuluyan ng aktor na si Jason Abalos ang mundo ng pulitika matapos itong pormal na maghain ng kanyang kandidatura sa Commission on Elections nitong Linggo.
Nag-file si Jason ng kanyang Certificate of Candidacy bilang board member ng District 2 ng lalawigan ng Nueva Ecija.
Pahayag ng aktor nais niya umanong ipagpatuloy ang nasimulan ng ama sa distrito.
“Nag file po ako ng COC kaninang umaga para ituloy ang nasimulan ng aking Ama ( Popoy Abalos ) sa pagka bokal (Board member) sa ating District 2 sa Nueva Ecija,” ani Abalos.
Anya, malaking hamon ang pandemyang ito para sa mga senior citizen kaya napag-desisyunan nila ng kanyang ama na siya na ang magtrabaho para sa kanilang mga kababayan.
“At dahil po dito kung inyong mapagbibigyan ay ilalapit namin ang kapitolyo at iba’t ibang ahensya ng gobyerno katuwang ang ating susunod na magiging Gobernadora Rianne Cuevas sa inyong mga tahanan sa pamamagitan ng teknolohiya.”
“Isa lang po ito sa aking mga magiging adbokasiya, para po sa buong lalawigan ng Nueva Ecija. Kailangan po namin ang inyong suporta at mga dalangin. Maraming salamat po,” ani Jason.