Abogado nina Kathryn, Daniel nag-uusap ukol sa hatian ng negosyo

MAY pasabog na naman ang reyna ng mga tsikadora na si Cristy Fermin.

Anya, nag-uusap na ang mga abogado nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo para sa paghahati ng mga negosyo na kanilang ipinundar.

Sa kanyang online talk show na “Showbiz Now Na,” isiniwalat ni Cristy na umabot na usaping-legal ang paghihiwalay umano nina Daniel at Kathryn.

“Ang nangyayari ngayon, ‘yung abogado ni Kathryn at Daniel inaano na ngayon ‘yung halaga ng ipinuhunan nila sa kanya-kanyang negosyo na pinagsaluhan nila,” pahayag ni Cristy.

“So, pag ganyan nang nagbabawian na ng investment, ano ibig sabihin noon?” dagdag niya.

Sa kaugnay na chika, sinabi ni Cristy na may umuugong na balita na hindi na ire-renew ng Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN, ang kontrata nina Daniel at Kathryn.

“Hindi na raw, ito raw ha kasi hindi natin alam kung gaano ang…isandaang porsyento ba ito o puro kwento-kwento lamang? Wala pa tayong resibo dito, inaamin po namin. Ang kwento, hindi na sila ire-renew ng Star Magic, ng ABS-CBN” sey ni Cristy.

Hindi naman niya masabi kung ano ang dahilan ng plano ng network giant.

“Hindi ko alam (pero) ang balita, ang kampo ni Kathryn nakikipag-usap na raw kay Rambo Nuñez, kina Maja. At si Daniel…kukuha na raw ng ibang management,” pahayag pa niya.

Si Rambo ang Chief Executive Officer ng Crown Artist Management, ang talent agency na itinayo ng asawa niyang si Maja Salvador. Ito ang nagma-manage ng mga artistang kinabibilangan nina John Lloyd Cruz, Miles Ocampo, Meryll Soriano, Marvin Agustin, at iba pa.