NAGBABALA si presidential aspirant Senador Manny Pacquiao sa posibleng pagkakaroon ng water-borne at sanitation-related na mga sakit sa mga lugar na tinamaan ng bagyong Odette dahil sa kawalan ng sanitasyon at tamang pagtatapon ng basura.
Samantala, nangako naman si Pacquiao na magdadala ito ng mga “portalet” at water filtration system para maiwasan ito.
Ayon kay Pacquiao, ang kawalan ng sanitasyon lalo na ang hindi wastong pagtatapon ng mga dumi ng tao ay maaaring magdulot ng mga sakit gaya ng kolera, pagtatae, dysentery, hepatitis A, tipus, at maging polio.
Napag-alaman ng senador na maraming mga tao sa ilang lugar na tinamaan ni Odette ang desperado sa tubig.
Sinabi ni Pacquiao na naghahanap na ito ng mga supplier para sa mga water filtration system na maaaring magamit ng mg residente ng mga lugar na ito.
“Ayon sa mga ulat ng ating mga teams na nasa ground para magbigay ng mga relief ay may mga lugar daw na napahirap talaga ang tubig kaya kung saan-saan na lang sila kumukuha ng pang-inom. Kung saan-saan na lang din daw nagbabawas ang ilan lalong-lalo na yung bata dahil limited lang naman ang mga toilets. Kailangang masolusyunan agad ito dahil maaaring mas malala ang magiging problema natin kapag dumami ang mga magkakasakit dahil sa maduming inumin at maduming kapaligiran,” aniya ni Pacquiao.