Walang permit to operate, community pantry sa Bataan ipinasara

IPINASARA ang community pantry sa Balanga, Bataan dahil wala umano itong permiso para makapag-operate.


Ayon kay Charizze Villaruel, volunteer ng community pantry sa Plaza Mayor, noong una ay pinayagan silang mag-set up ng mga stalls para sa libreng produkto pero makaraan ang ilang oras ay hinanapan umano sila ng permit.


Dahil walang maipakitang permit ay tinanong nila ang kausap kung saan sila pwedeng makakuha.


Pero iginiit lamang nito na hindi pwedeng maglagay doon ng stalls dahil magdudulot iyon ng pagtitipon na magiging sanhi ng hawahan ng Covid-19.


Hindi naman sinabi ni Villaruel kung taga-barangay o tagamunisipsyo ang nagtaboy sa kanila.


Dagdag niya, sinigawan din sila ng isang lalaking sakay ng itim na van na bawal ang ginagawa nila. Hindi rin nila nalaman kung opisyal ng munisipyo ang sumita sa kanila.


“Near Plaza Mayor was a strategic location. We anticipated that we’d be needing a go signal from authority and so we asked. They allowed. No ‘permit’ was mentioned. Only to find out after some hours that it’s not allowed anymore. They told us that we need a permit, but even we ask for one, they still won’t allow it because community pantries “may cause local COVID transmission,” kwento ni Villaruel sa FB post.


“I don’t think I need to explain further. Pasensya na po sa kalituhan. But rest assured that all your donations, may it be in-kind or monetary, will still be given to those who need it. We will find another place,” dagdag niya.


Hindi naman nagsisisi ang grupo ni Villaruel sa kanilang ginawa.


“It was like us three (volunteers) against the world. Pero okay lang. Mas mahalaga sa amin ang tumugon sa pangangailangan ng masa kahit sa maliit na paraan kaysa unahing panghinaan ng loob,” aniya.


“Sayang lang. Buti na lang may nakaabot sa amin bago umalis. Mga lola, tricycle driver, street sweeper, mga ordinaryong taong bumubuhay ng kani-kanilang pamilya. Di bale, hindi tayo titigil,” aniya pa.