PATAY ang tatay ni Dr. Chao Tiao Yumol matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa harap ng kanilang bahay sa Barangay Rizal, Lamitan City, Basilan pasado alas-6 ng umaga ngayong Biyernes, 29 Hulyo 2022, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa isang panayam sa DZMM, sinabi ni PNP Spokesperson Colonel Jean Fajardo na kinumpirma mismo ng provincial director ng Basilan ang pagpatay kay Rolando Yumol, ama ni Yumol, suspek sa pamamaril sa Ateneo de Manila University noong Linggo na ikinasawi ng dating alkalde ng Lamitan City na si Rosita “Rose” Furugay, at executive assistant nitong si Victor George Capistrano, at Ateneo security guard Jeneven Bandiala.
“Kaka-receive lang po naming ng report mula sa provincial director Basilan confirming na ang tatay ng suspect sa pamamaril sa Ateneo ay binaril kaninang umaga ng dalawang hindi nakikilalang lalaki sa tapat ng kanyang bahay at ito nga po ay dead on arrival pagkatapos maisugod sa ospital,” sabi ni PNP Spokesperson Colonel Jean Fajardo.
Sinabi naman ni Fajardo na patuloy pa ang imbestigasyon kung konektado ang pagpatay sa ginawang pamamaril ni Yumol kung saan tatlo ang kanyang napatay.
“Sa ngayon po ay premature pa po para mag-speculate po kung may kinalaman sa insidente sa pamamaril sa Ateneo dahil ngayon po ay nangangalap pa ng ebidensiya yung ating mga pulis,” aniya.
Matatandaan na kinansela ng Ateneo de Manila University ang graduation ng law school nitong Linggo ng hapon, Hulyo 24, 2022, matapos ang barilan sa loob ng campus.