Tanod binaril ni chairman, dedbol

ARESTADO ang barangay chairman na pumatay sa kanyang tauhan na tinangka siyang saksakin sa Santa, Ilocos Sur.

Dead on the spot si Elson Bayya, 52, hepe ng mga tanod ng Brgy. Dammay, dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.

Nahaharap naman sa kasong homicide ang punong barangay na si Mariano Umipig Jr., na nadakip makaraan ang pagpatay.

Ayon sa ulat, rumesponde si Umipig at ilang opisyal ng barangay sa bahay ni Bayya para awatin ito sa pakikipag-away sa kanyang bayaw.

Pero imbes na tumigil ay kumuha umano ng patalim si Bayya at tinangkang saksakin ang barangay chairman.

Ayon sa mga saksi, dali-daling binunot ni Umipig ang baril sa kanyang bag at pinaputukan ang biktima.