NAGBABALA ngayong Sabado ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na posibleng magkaroon pa ng malaking pagsabog sa Taal Volcano sa harap naman ng pag-aalburuto nito.
Sa isang panayam sa DZMM, tiniyak ni Phivolcs Director Undersecretary Renato Solidum, Jr. na patuloy ang isinasagawang pagmomonitor ng ahensiya sa Taal Volcano.
“Tiningnan po natin ang situation kung sakaling maintain lang ang ipinapakita ng bulkan, ime-maintain natin sa alert level 3, kung sakaling mag-increase pa yan, baka magtaas pa tayo, kung sakaling downtrend ng dalawang linggo, walang putol na tuloy-tuloy, pwede naman nating ibaba sa alert level 2,” sabi ni Solidum.
Idinagdag ni Solidum na ngayong araw, naitala ang pagbuga ng hot volcanic fluids sa Taal Main Crater Lake mula alas- 7:15 ng umaga hanggang alas-7:42 ng umaga.
Umabot naman ang plume na naitala hanggang 2,400 metro ang taas mula sa crater na nagdulot ng vog sa Taal Caldera region.