ITINAAS sa Alert Level 3 ang Taal Volcano matapos ang maiksing serye ng phreatomagmatic bursts, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ngayong Sabado.
Sa report ng Phivolcs, may taas hanggang 1.5 kilometro ang usok na ibinuga ng bulkan mula sa kanyang main crater alas 7:22 ng umaga, na sinamahan pa ng ilang volcanic earthquakes.
Paliwanag ng Phivolcs, posibleng may magmatic intrusion na malapit sa main crater na maaring magdulot ng sunod-sunod na eruption.
Dahil dito, pinaalalahanan ng Phivolcs ang mga barangay na malapit sa Taal Volcano Island gaya ng Bilibinwang at Banyaga, Agoncillo at Boso-boso, Gulod at eastern Bugaan East, Laurel, Batangas province, na magsilikas na bunsod ng posibleng disgrasyang maidudulot ng pyroclastic density currents at volcanic tsunami kung magtutuloy-tuloy ang eruption.