INIULAT ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pagtaas ng ibinubugang volcanic sulfur dioxide ng Taal Volcano matapos makapagtala ng kabuuang 17,141 tonelada nitong mga nakalipas na araw.
Sa advisory na inilabas alas-11:30 ng gabi Linggo, sinabi ng Phivolcs na pumapalo sa 6,041 tonelada kada araw ang inilalabas na sulfur dioxide ng Taal Volcano simula Hulyo 15, 2022.
“Kapansin-pansin ang pagsigabo ng degassing sa panunumbalik ng upwelling sa lawa ng Taal Main Crater at ng pagbuga ng makapal na usok dito nitong nakalipas na tatlong araw,” dagdag ng Phivolcs.
Nakapagtala rin ng tatlong tremor events na tumagal ng siyam na minuto sa nakalipas na araw, ayon pa si Phivolcs.
Nakataas pa rin ang Alert Level 1 sa Taal Volcano.
“Kung magkaroon ng paglala o matinding pagbabago sa mga monitoring parameters, maaaring itaas muli ang antas ng alerto sa Alert Level 2,” dagdag pa ng Phivolcs.