NANGANGATI na ba ang mga paa at gusto nang lumarga?
Pwede nang mag-swimming sa La Union. Ito ay matapos buksan ng lokal na pamahalaan ang turismo sa lalawigan na magsisimula sa Lunes, Mayo 24.
Sa Executive Order 27-2021 na inilabas ng provincial government ng La Union, bubuksan na nito ang turismo upang tumakbo na muli nang maayos ang ekonomiya rito at maibalik ang trabaho ng marami.
Ayon sa EO, maaari lamang magtungo ang mga turista sa mga lugar na tinukoy ng lokal na pamahalaan, habang mahigpit na ipatutupad ang minimum health protocols.
Sinabi ni Provincial Information Officer Adamor Dagang hanggang 700 lang na turista ang maaaring papasukin sa La Union kada araw upang matiyak na hindi magkakaroon ng overcrowding.
At bago makapasok sa lalawigan, kailangan umanong may booking na ito sa La Union-based and Department of Tourism-accredited travel and tour operators sa loob ng limang araw bago ang nakatakdang pagbisita.
Kailangan din ng RT-PCR na may negative results na kinuha tatlong araw bago ang pagbisita bago makapasok sa lalawigan.
Kailangan din mag-apply ng online travel request sa pamamagitan ng “Tara na Visita” o visitor information and tourist assistance system sa probinsiya.