Pulis nanggulpi ng misis, tinodas ng biyenan

PATAY ang isang pulis matapos itong barilin ng kanyang biyenan sa Cabanatuan City, Nueva Ecija Sabado.

Napatay ni Alberto Manigao ang biyenan na si PCpl. Marlon de Guzman na nakatalaga sa Aliaga Police Station matapos na maaktuhan na ginugulpi ng pulis ang kanyang anak.

Naganap ang insidente alas 2:30 ng madaling araw sa bahay ng mag-asawa sa barangay Aduas Norte, Cabanatuan City.

Ayon sa report ng pulisya, dumating sa bahay ng mag-asawa si Manigao at naaktuhang binubugbog ni de Guzman ang misis nito. Huli rin ng suspek sa akto ang kanyang manugang na tinututukan ng baril ang anak ni Manigao.

Dahil dito ay nagdilim ang paningin ng suspek at inagaw ang baril sa pulis at saka ito pinaputukan nang makailang beses.

Madali namang humingi ng saklolo ang suspek at naisugod pa sa ospital ang manugang bagamat hindi na ito umabot nang buhay.

Nilalapatan din ng lunas ang anak ng suspek dahil sa mga sugat nito sa katawan at tama ng bala sa braso.

Sumuko naman ang suspek sa pulisya matapos ang insidente at ngayon ay nahaharap sa kasong pagpatay.