Simbahan nilooban ng ‘demonyo’; 4 kalis itinakbo

KINONDENA ng pamunuan ng St. John The Baptist Parish ng San Fernando, Camarines Sur ang nagnakaw ng mga kalis sa simbahan nitong Huwebes.

Sa Facebook post, tinawag ng parokya na demonyo ang nasa likod ng pagnagnakaw.

“This is an offense against the church, against the Catholic faith. We should strongly condemn those parahabon,” ayon dito.

“An demonyo pinalaog sa pagkatao ninda. Ipamareta ta po an parahabon kan apat na Kalis asin kondenaron,” dagdag nito. 

(“Ang demonyo pinapapasok sa katauhan nila. Ipamalita po natin na ang nagnakaw ng apat na kalis at ikondena.”)

Ayon sa pulisya, alas-4 ng umaga ng Huwebes nang madiskubre na nawawala ang apat na kalis na gagamitin sana sa pang-umaga na misa.

Dumaan, dagdag ng mga imbestigador, ang kawatan sa kinukumpuning pinto ng simbahan.

Umapela naman ang parokya sa publiko na tumulong sa mga otoridad upang mabawi ang mga kalis.

Base sa isang post na ibinahagi ng St. John The Baptist Parish, ang kalis ay pinakamahalagang gamit sa simbahan dahil “it has a direct contact with the most precious blood of Jesus.”

“Kahit ang mga angels sa langit ay walang lakas ng loob na hawakan ang bagay na ito dahil sa taglay nitong kabanalan. Ito lamang ang natatanging kagamitan sa mundo na itinalaga ng simbahan upang paglagyan ng pinakabanal na dugo ng Anak Ng Diyos,” dagdag ng post.

Kaya hindi umano ito maaaring gamitin sa ibang okasyon maliban sa pagdiriwang ng Misa.