NADAGANAN kaya na-suffocate at namatay ang isang bagong silang na sanggol sa Brgy. Kalabay-labay, El Salvador City, Misamis Oriental, na unang naiulat na inatake umano ng aswang.
Ayon sa mga doktor na tumingin sa baby, wala itong sugat sa katawan, partikular sa leeg, kaya malayo sa katotohanan na pinatay ito ng halimaw.
Sa inisyal na ulat ng PUBLIKO, nagising ang ina ng bata nitong Martes ng umaga na nangingitim na ang sanggol kaya dinala ito sa rural center.
Isa sa mga kapitbahay na unang rumesponde sa paghingi ng tulong ng ina ang nagsabi na nahihirapang huminga at namumula ang leeg ng ginang.
Kahit pipi at bingi ito ay naipagtapat ng ina kung ano umano ang nangyari bago natagpuang patay ang baby, dagdag ng kapitbahay.
Sa pamamagitan ng kamay at mga ungol, isiniwalat ng ina na Lunes ng gabi ay nakita umano niya ang isang tiktik bago “naramdaman” ang kalabog sa bubong at pagkahig sa dingding.
Ipinagdiinan ng ina na aswang ang pumatay sa kanyang anak dahil tila naubusan ito ng dugo.
Ayon sa ulat, ang mag-ina lamang ang naiwan sa bahay dahil nasa trabaho ang padre de pamilya.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente.