TODO-PASALAMAT ang guro ng Abang Elementary School sa Salumping, Esperanza, Sultan Kudarat sa publiko na nagpahatid ng tulong sa isang mag-aaral na naaktuhan niya na kumakain na toyo lang ang ulam.
Ayon kay teacher Kenzy Goroy, marami sa nakabasa ng kuwento ng nasabing pupil ang nabagbag ang damdamin at nagpadala ng ayuda sa paslit.
“Salamat gid sa tanan nga nag paabot sang Ila mabinuligon nga tagipusuon para sa ‘The Little Dreamer’ (Lycka),” ani Goroy.
Dagdag niya, marami pa ang nag-pledge ng tulong para kay Lycka.
“Unexpected blessing gid kay baby girl…gusto sang mga netizen baklan sya sang mga school supplies kag balunan..damit..tsinelas..sapatos ..at iba pa. Thank you so much sa tulong po ninyo,” dagdag niya.
Sa ulat ng PUBLIKO, nakita ni Goroy si Lycka na kumakain sa labas ng kanilang room nitong nakaraang araw.
“Pauwi na sana ako at nakita ko ang isa naming estudyante na dahon ng saging ang pinangbalot ng kanyang kanin. Isang sachet ng Silver Swan soy sauce ang pinang-ulam,” aniya.
Kinunan niya ng larawan ang bata at ipinost ito sa Facebook.
Aniya, ipinost niya ang larawan at ang kuwento hindi para kaawaan ng publiko ang bata kundi magsilbing inspirasyon sa iba pang bata na magsumikap sa pag-aaral kahit kulang sa maraming bagay, gaya ng masustansyang pagkain.