ARESTADO ang pulis at tatlo niyang kasamahan na itinuturong nasa likod ng basag-kotse modus sa Metro Manila at sa iba pang lugar sa Central Luzon.
Unang nadakip sina Allen Alvarado, 30, at John Fizer Salvador, 22, kapwa ng Tondo, Manila.
Nasakote sila makaraan nilang basagin ang salamin ng sasakyan na nakaparada sa harap ng isang tindahan ng motorsiklo sa San Ildefonso, Bulacan noong Lunes ng umaga at kunin ang mahahalagang gamit sa loob.
Nakuha sa kanila ang kalibre .38 revolver, granada, tatlong sachet ng shabu at ang black belt bag ng may-ari ng sasakyan.
Makaraan ang ilang oras ay dumating sa San Ildefonso municipal police station ang dalawa pang lalaki na nagpakilalang taga-Manila Police District at hinanap sina Alvarado at Salvador.
Nang usisain ng mga pulis kung ano ang pakay nila sa dalawa ay nagmamadali silang umalis sakay ng SUV.
Hinabol ng mga otoridad ang dalawa bago nasukol sa checkpoint sa Brgy. Garlang. Kinilala ang dalawa na sina Cpl. Mark Edison Quinton na nakatalaga sa Manila Police District at Juvito Salvador.
Napag-alaman na ang apat ay mga miyembro ng notoryus na “Liber Paulino Group” na nasa likod ng serye ng mga basag-kotse sa Metro Manila, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, at Tarlac.
Nahaharap ang apat sa patong-patong na kaso kabilang ang robbery, possession of explosives, paglabag ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act, at usurpation of authority.