HUMINGI ng paumanhin si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar kaugnay sa tarpaulin na ipinaskil ng Sorsogon City Police Station na tinukoy ang mga guro bilang “potential rapists.”
“While I fully understand that the intention of the information drive is noble, it is clearly discriminatory and insulting to our teachers who have been working hard especially in this time of pandemic,” ani Eleazar.
“Sa aking panig, ako po ay personal na humihingi ng paumanhin sa ating mga guro at makakaasa kayo na itatama namin ang pagkakamaling ito,” aniya.
Aniya, kailangang magpaliwanag ang mga opisyal na nag-utos sa pagpapaskil ng nakaiinsultong tarpaulin.
“Inatasan ko na ang mga pulis na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat parusahan,” dagdag niya.
Inihayag ng opisyal na noon pang Marso ikinabit ang tarpaulin pero tinanggal na ito. Humingi na rin ng paumanhin aniya ang Sorsogon City Police Station sa pangyayari.
Sa larawan na ipinost sa Facebook ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC), mababasa sa tarpaulin na kabilang sa mga tao na maaaring gumawa ng kahalayan ang mga “strangers, fathers, uncles, siblings, cousins, friends, trusted people and teachers.”
“Sa dami ba naman ng mga propesyon o linya ng hanapbubay ay bakit singled-out ang teacher bilang potential rapist? Ano naman din kaya ang mararamdaman ng mga kapatid nating pulis kung sila halimbawa ay tinukoy sa isang module ng DepEd bilang example ng masasamang tao? Masakit din di ba? Kaya dapat maingat tayo sa mga pahayag lalo na sa publiko,” ani TDC national chair Benjo Basas.