Pinalibutan ng brgy. officials, tanod, 3 police mobile; Grab delivery rider na-trauma

TRAUMA ang inabot ng Grab delivery rider na hinarang at pinagbantaang aarestuhin ng mga opisyal ng barangay habang hinihintay ang order na lugaw sa Muzon, San Jose del Monte, Bulacan.


Ayon kay Marvin Ignacio, 23, abot-abot ang kaba niya habang sinisita siya ng barangay officer na si Phez Raymundo dahil maraming tanod at mga pulis na sakay ng tatlong police van ang nakapaligid sa kanya.


Kwento ni Ignacio, hindi na lamang niya sinagot-sagot si Raymundo para matapos na ang usapan at makauwi na siya ng bahay. Aniya, takot na takot siya noong mga oras na iyon dahil wala siyang kakampi maliban sa isa pang Grab rider na naghihintay rin ng order na lugaw.


Sinabi ni Ignacio na hindi muna siya bumibiyahe dahil natatakot siya sa mga opisyal ng barangay na may galit sa kanya.


Wala namang sinabi ang delivery rider kung kakasuhan niya si Raymundo dahil sa inabot niyang kahihiyan.
Samantala, pinanindigan ni Raymundo ang desisyon niyang sitahin si Ignacio.


Rason niya, sinunod lamang niya ang ordinansa ng barangay ukol sa curfew.
Itinanggi rin niya na sinibak siya sa trabaho.