WALANG inaasahang pagsabog sa Mount Pinatubo sa kabila ng mga nararanasang aktibidad sa palibot ng bulkan, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sinabi ni Phivolcs officer-in-charge Undersecretary Renato Solidum na ang mga local faults sa palibot ng Mt. Pinatubo ang dahilan ng mga nararanasang lindol.
“Wala po tayong nakikita (eruption) sa kasalukuyan base sa chemistry ng tubig at pagbuga ng gas sa Pinatubo, wala pong magma na umaakyat sa kasalukuyan,” sabi ni Solidum.
Nauna nang itinaas ng Phivolcs sa Alert Level 1 sa bulkan matapos magsimulang makitaan ng mga aktibidad simula noong Enero 2021.
“Sa mga nakaraang linggo ay walang ebidensya na mayroong magma na nagko-contribute sa activity ng Pinatubo sa kasalukuyan. Ang importante lang sa Pinatubo, inabisuhan natin ang ating mga kababayan na may mga paglindol, pero bilang pag-iingat kung wala naman silang kailangang gawin sa loob ng crater ng Pinatubo, wag na munang pumunta,” ayon pa kay Solidum.
Huling pumutok ang bulkan noong Hunyo 1991.