PNP nagsori sa pag-‘red tag: sa community pantry organizers

HUMINGI ng paumanhin ang Philippine National Police-Human Rights Affairs Office sa umano’y pagre-“red tag” sa mga community pantry organizers at sinabing walang intensyon ang pulisya na sila ay i-“profile.”


Ayon kay PNP-HRAO chief Brig. Gen. Vincent Calanoga, hindi trabaho ng kapulisan na mag-red tag at mag-profile ng mga indibidwal.


“Ang iba pong insidente kung saan tinawag po na profiling o red-tagging, hindi po sakop ng pulisya, ng PNP.

Ito po ay binigyan na ng kaukulang aksyon para hindi na ito mauulit,” sabi ni Calanoga.


Dagdag niya; “Humihingi po ang PNP ng paumanhin sa mga taong naapektuhan ng balita o nai-post na hindi nila nagustuhan.”


Ipinaliwanag niya na kaya tinatanong ang mga community pantry organizers ay para mamonitor lamang ng pulisya ang sitwasyon sa kanilang lugar.


“Katungkulan (ng pulisya) na alamin ang lahat ng nangyayaring insidente o ano mang aktibidad sa kanilang area of responsibility o sa kanilang beat,” ayon sa opisyal. “Kaya po ang ating mga pulis ay nagtatanong para masama po sa kanilang after-patrol report.”