UMAKYAT na sa lima ang bilang ng mga nasawi sa lindol, habang 64 na naiulat na nasugatan, ayon kay Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, deputy director for operations ng Office of Civil Defense.
Ayon sa report, apat ang nasawi sa Cordillera Autonomous Region (CAR) habang isa naman ay mula sa Region 2. Karamihan naman sa mga nasugatan ay mula sa CAR.
Sa tala, tatlo ang naiulat na nasawi sa La Trinidad at Tuba sa Benguet; isa sa Gattaran, Cagayan; isa sa Balbalan, Kalinga.
May 61 paaralan naman mula sa Regions 1, 2, 3 at CAR ang nag-ulat ng pagkasira ng kanilang mga gusali.
Tatlong tulay naman ang apektado sa CAR at Region 1.
Isinara naman sa trapiko ang 22 kalsada sa iba’t ibang lugar sa CAR.
Sa ngayon ay hindi pa mabatid ng OCD ang bilang ng mga taong apektado ng magnitude 7 na lindol na yumanig sa maraming lugar sa norte alas 8:43 ng umaga Miyerkules, Hulyo 27, 2022.
Samantala, 20 lugar ang nakaranas ng power interruption. Sa Region 1 ay napaulat na nagkaroon ng province-wide na power interruption matapos ang lindol ngunit naibalik din alas-2 ng hapon kanina.