HUMINGIN ng proteksyon sa awtoridad ang pamilya ni Dr. Chao-Tiao Yumol, ang suspek sa Ateneo shooting, matapos ang pagpatay sa kanyang ama sa Lamitan City, Basilan, Biyernes ng umaga.
Humingi ng tulong ang ina ni Yumol na si Muykim kay Pangulong Bongbong Marcos dahil umano sa banta sa kanilang buhay.
“Mayroon pong bali-balita na pinagiingat na ho kami, na iisa-isahin na raw kami,” ayon kay Muykim.
“Sana matulungan kami ni Presidente Bongbong Marcos, nasa panganib na ang buhay namin. President, maawa po kayo sa amin. Nasa threat ho ang buhay naming lahat,” dagdag pa niya.
Anya, gusto niyang bumalik sa Basilan dahil wala umanong nag-aasikaso sa asawa niyang nabaril. Sinabi niya na marami ang nagpapayo sa kanilang pamilya na mag-ingat.
“Gusto ko bumalik doon sa asawa ko. Yung tao lang ho namin ang nag-aasikaso wala ho kaming ibang ano (pamilya) roon. Pati yung mga tao namin natatakot na rin, yung mga tao namin hindi namin kadugo,” sinabi ni Muykim.
Binaril at napatay ng riding-in-tandem ang ama ni Yumol na si Rolando Yumol sa harap na kanilang bahay sa Lamitan City.
Ang pamamaril ay naganap anim na araw matapos ang Ateneo shooting na ikinasawi ng tatlo katao kabilang ng dating alkalde ng Lamitan na si Rosita Furigay, at dalawang iba pa.