UMABOT na sa 11 ang bilang ng mga nasawi sa magnitude 7 na lindol na yumanig sa Abra at iba pang kalapit na lalawigan ng Northern Luzon, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Iniulat ng NDRRMC na ang pinakahuling nasawi sa pagyanig ay mula sa Tubo, Abra.
Dahil dito, umabot na sa 10 ang kumpirmadong nasawi sa Cordillera Administrative Region (CAR) habang may isang namatay sa Ilocos Region.
Nasa 410 indibidwal ang nasugatan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at CAR.
Ang mga apektadong pamilya ay nasa 119,730 o 448,990 katao sa 1,188 barangay sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at CAR.
Tinatayang nasa P33.2 milyon ang pinsala sa mga pasilidad ng agrikultura, kagamitan, at iba pang makinarya sa CAR.
Samantala, nasa P22.7 milyon ang pinsala ng irrigation system sa CAR at Ilocos Region.
Ang pinsala sa imprastraktura ay umabot sa P1.34 bilyon sa Ilocos Region, Cagayan Valley, CAR, at NCR.