Nanloob sa Covid-19 isolation facility timbog

HIMAS-REHAS ang dalawang lalaki na itinuturong tumangay sa limang cellphone ng mga pasyente ng Covid-19 sa isolation center sa Naga City, Cebu.


Nadakip sina Francis Misenabre, 23, at Denver Dagohoy, 39, makaraang maaktuhan ng security guard na nagbabantay sa pasilidad Huwebes ng gabi.


Pinaghahanap na ang isa pa nilang kasama na si Saddam Villarino na natakasan ang mga rumespondeng pulis.


Nabawi naman sa mga suspek ang mga ninakaw na cellphones.


Ayon sa ulat, pinasok ng tatlo ang silid ng mga biktima sa isolation center sa Brgy. Poblacion alas-3 ng umaga Huwebes at kinuha ang mga gadgets.


Inakyat ng mga kawatan ang pader ng gusali at pwersahang binuksan ang pinto, ayon sa imbestigador.
Patakas na ang mga suspek nang makita sila ng sekyu kaya hinabol niya ito.


Sa tulong ng mga pulis ay nasakote sina Misenabre at Dagohoy sa kanilang bahay sa Purok Talong 2, Brgy. South Poblacion.


Nahaharap ang mga suspek sa kasong theft.