Miyembro ng kulto naghahasik ng lagim sa Misamis

INIIMBESTIGAHAN na ng pulisya ang ulat na ilang armadong kalalakihan, na umano’y mga miyembro ng isang kulto, ang kumakatok sa mga bahay sa Misamis Occidental at pinupugutan ng ulo ang sinumang magbubukas ng pinto.


Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Ildebrandi Usana, nangangalap na ng ebidensya ang kapulisan upang matiyak na lehitimo ang mga ulat.


“We’ll have to secure, perhaps, initial information from the regional director of PRO (Police Regional Office) 10. Rest assured such information will be communicated specifically to concerned individuals affected,” aniya.


Nagbabala ang opisyal na kung New People’s Army ang nasa likod nito ay “we’ll see to it that appropriate action will be taken by the police.”


“Kung ito naman po ay maituturing na mga nasa hanay ng gobyerno then it will also have to be validated based on pieces of evidence that we can gather from there,” ani Usana.


Ilang araw ding nag-trending topic sa Twitter ang #Mindanao matapos lumutang ang mga kwento ng ilang residente ng Ozamis City tungkol sa mga gumagalang indibidwal na ang intensyon ay maghasik ng lagim.
Ayon sa isang netizen, kumakatok ang mga miyembro ng kulto sa pagitan ng alas-9 ng gabi at alas-4 ng umaga. Ang sinumang magbukas ng pinto ay pinupugutan umano ng mga ito.


Ilan ay nag-share naman ng CCTV footage ng mga miyembro umano ng kulto na bigla na lang lumilitaw at naglalaho.


Sa isa pang tweet, sinabi ng residente ng siyudad na sinakluban ng takot ang kanilang barangay matapos biglang maglaho at mag-anyong hayop ang mga tinutugis na miyembro ng kulto.


Ayon naman sa ibang saksi, umakyat ng bubong ang mga suspek bago biglang naglaho.


Maliban sa Ozamis City, gumagala rin umano ang kulto sa Oroquieta City at sa mga bayan ng Aloran, Sincaban, Plaridel, at Lopez Jaena.