ARESTADO ang misis ng isang pinaghihinalaang sub-leader ng bandidong grupong Abu Sayyaf sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at militar sa Jolo, Sulu kamakailan.
Dinakip ng mga awtoridad si Fatima Nasser Anilhusra-Sawadjaan, 28, at misis ng nagtatagong si Mudzimar Sawadjaan alias Mundi sa Sito Badjao annex, barangay Bus-bus, Jolo nitong Sabado.
Sa isinagawang operasyon, nakuha sa bahay ni Fatima at ng kanyang mister ang isang MK2 grenade; dalawang bote na naglalaman ng pinaghihinalaang ammonium nitrate and fuel oil (ANFO) na ginagamit sa paggawa ng bomba, dalawang piraso ng detonating cord; safety fuse, at cellphone; dalawang identification card na may pangalang Elaida M Jumdail.
Si Mudzimar ay kinukonsiderang highly valued target ng pamahalaan dahil sa malalim nitong partisipasyon sa mga bombing activities at terror operations sa Sulu.
Nahaharap si Fatima sa iba’t ibang kasong kriminal at ngayon ay nasa kostudiya ng Jolo Municipal Police Station.