BINISITA ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga binahang lugar sa Misamis Occidental kung saan siya namahagi ng P16.04 milyong halaga ng tulong sa mga apektadong pamilya.
Tatlong beses na tinangkang mag-landing ng eroplanong sinasakyan ni Marcos bago tuluyang makalapag sa Ozamiz City airport.
Binigyan si Marcos ng briefing ng mga opisyal sa pamumuno ni Misamis Occidental Governor Henry Oaminal sa airport imbes na sa Oroquieta City dahil sa sama ng panahon.
“Matagal ko na sanang gustong makapunta rito ngunit talaga ‘yung weather ayaw kaming paliparin. So ngayon nagbakasakali na lang kami at tatlong beses kaming umikot hanggang nakapasok kami,” sabi ni Marcos.
Hindi na rin nakapagsagawa ng inspeksyon si Marcos dahil sa walang tigil na pag-ulan.
“Noong pagdating naman namin dito hindi naman makalipad ‘yung helicopter kaya’t tingnan na lang natin at sinisigurado ko lang na kayo… na nahiwalay sa inyong mga tahanan ay nandito muna ay naaalalayan at naaalagaan ng ating mga DSWD (Department of Social Welfare and Development) at ng ating local government,” dagdag ni Marcos.
Tumuloy si Marcos sa Tudela, Misamis Occidental para mamahagi ng relief goods.
Sinamahan siya ni Defense Secretary Carlito Galvez Jr.
Tinatayang 16,013 pamilya o 56,853 indibidwal ang naapektuhan dahil sa mga pagbaha sa 155 barangays sa lalawigan.