Lumabag sa curfew kinuyog ng tanod, todas

PATAY ang lalaking lumabag sa curfew makaraang pagtulungang bugbugin ng mga barangay tanod sa Calamba, Laguna noong Miyerkules.


Nagtamo ng basag na bungo at mga pasa at sugat sa mukha at katawan si Ernanie Lumban. Namatay siya habang ginagamot sa ospital.


Ayon sa ulat, lumabas ng bahay si Lumban para bumili ng makakain nang sitahin ng mga tanod sa Purok 2, Brgy. Turbina.


Hindii naman pumalag si Lumban nang dakpin. Pero nang sinabi niyang iihi lang siya sandali ay nagalit umano ang mga tanod at nagbanta kaya napatakbo siya sa takot.


Nang maabutan ay pinagtulungan umanong bugbugin ng mga tanod si Lumban.


Unang isinugod ang biktima sa Calamba Medical Center pero tinanggihan umano siyang gamutin doon kaya dinala siya sa ibang pagamutan.


Si Lumban ang ikalawang curfew violator na namatay sa kamay ng mga otoridad ngayong buwan.


Noong Abril 1, nasawi si Darren Manaog Peñaredondo matapos parusahan ng mga pulis ng pumping squat na umabot ng 300 ulit.


Umiiral ang enhanced community quarantine sa Metro Manila, Cavite, Bulacan, Rizal, at Laguna dahil sa dami ng kaso ng Covid-19.