ECQ or MECQ sa NCR plus malalaman na

IHAHAYAG mamayang alas-3 ng hapon ni Presidential Spokesperson Harry Roque kung anong magiging quarantine status ng Metro Manila at apat na lalawigan ngayong darating na linggo.

Ngayon ang huling araw ng enhanced community quarantine sa NCR at mga probinsiya ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

Iaanunsyo ni Roque via PTV 4 kung itutuloy pang isailalim sa ECQ ang NCR plus o paluluwagin na ito nang bahagya simula Lunes, Abril 12.

Matatandaan na inirekomenda ng OCTA Research na palawigin pa ng isang linggo ang pagsasailalim sa ECQ ang Metro Manila at apat na lalawigan bunsod na rin ng patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng coronavirus disease.

Sa tala nitong Sabado, mahigit sa 12,000 ang bagong kaso ng COVID-19.