LUMIKAS ang humigit-kumulang 2,000 pamilya sa mga rehiyon ng Bicol, Western Visayas at Eastern Visayas dahil sa patuloy na pananalasa ng bagyong Jolina.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, pansamantalang nanunuluyan sa 46 evacuation centers ang mga evacuees.
Ayon naman kay NDRRMC spokesman Mark Timbal, nakatanggap sila ng ulat na 12 mangingisda ang nawawala sa Catbalogan City. Kasalukuyan nang nagsasagawa ng search and rescue operation ang mga otoridad, dagdag niya.
Samantala, iniulat ng Pagasa na bahagyang humina ang bagyong Jolina bago ito nag-landfall sa Batangas.
Kumikilos ang bagyo taglay ang hangin na 95 kilometers per hour malapit sa gitna at bugso na aabot hanggang 115 kph.
Kumikilos ito sa bilis na 15 kph.
Nakataas pa rin ang tropical cyclone wind signal No. 2 sa Metro Manila, Marinduque,
northern at central portions ng Oriental Mindoro, northern at central portions ng Occidental Mindoro kasama ang Lubang Islands, central at southern portions ng Quezon, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan, Pampanga, Bataan, Zambales at Tarlac.
Samantala, Signal No. 1 naman sa mga sumusunod na lugar: La Union, Benguet, Nueva Vizcaya, Aurora, Pangasinan, Nueva Ecija, natitirang bahagi Quezon kasama ang Polillo Islands, Camarines Norte, hilagang Camarines Sur, hilagang Romblon, natitirang bahagi ng Oriental Mindoro at Occidental Mindoro.