HINIGPITAN ng pulisya ang seguridad sa Lamitan City, Basilan, kasunod ng pamamaril noong Biyernes sa ama ng gunman na bumaril at pumatay kay dating city mayor na si Rosita Furigay, at dalawang iba pa sa Ateneo de Manila University sa Quezon City noong nakaraang linggo.
Ipinag-utos ni Lt. Gen. Vicente Danao Jr., officer-in-charge ng Philippine National Police (PNP), ang pagpapaigting sa seguridad bilang pagsunod sa utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
“We adhered to the mandate of Interior Secretary Benhur Abalos and beefed up border controls to halt the possible escape of the gunmen,” ayon kay Danao.
Noong Biyernes, binaril ng hindi pa nakikilalang mga lalaking sakay ng motorsiklo ang 69-anyos na si Rolando Yumol sa harap ng kanyang bahay sa Rizal Street sa Lamitan.
Siya ang ama ni Dr. Chao-Tiao Yumol na suspek sa Ateneo shooting na ikinamatay ni Furigay, ang kanyang aide na si Victor Capistrano, at ang university guard na si Jeneven Bandiala noong nakaraang Linggo.
Idinagdag ni Danao na hindi pa sila tiyak kung may kaugnayan ang pamamaril sa Lamitan sa Ateneo shooting.