Kelot binastos ang ina, tinodas ng ama

BINARIL at napatay ng padre de pamilya ang kanyang 28-anyos na anak makaraan umanong bastusin ng huli ang ina sa Brgy. Lahug, Cebu City nitong Lunes, iniulat ng pulisya.

Namatay habang ginagamot sa ospital si Kenn Caballes na nagtamo ng tama ng bala sa katawan.

Agad namang sumuko sa mga otoridad ang ama niyang si Eugenio, 63.

Ayon sa ina ni Kenn na si Luisa, inutusan niya ang bunsong anak na patayin ang ilaw sa bahay nito alas-10 ng gabi.

Katabi ng bahay ng mga magulang ang barongbarong na tinutuluyan ni Kenn.

Pero imbes na sumunod ay sininghalan ni Kenn ang ina na narinig naman ng ama.

Kinumpronta ni Eugenio ang anak na nagresulta sa mainitang pagtatalo.

Tumigil naman ang mag-ama nang pumagitna si Luisa.

Habang papasok na ng bahay ang ama ay sinundan ito ni Kenn at hinampas ng kahoy sa leeg.

Natumba ang matanda, na nasugatan din dahil sa nakausling pako sa kahoy.

Nang makatayo ay agad kinuha ni Eugenio ang kanyang baril at pinaputukan ang anak.

Sumuko ang suspek sa pulisya makaraang malaman na namatay sa pagamutan ang anak.

Sinabi ng ina na matagal na nilang problemang mag-asawa si Kenn dahil sa paggamit nito ng droga, pagnanakaw ng mga manok at pagsisimula ng mga away sa kanilang lugar.