UMINIT ang ulo ng boyfriend ni Sue Ramirez na si Victorias City Mayor Javi Benitez sa ulat na 240,000 piraso ng itlog na nagkakahalaga ng P1.4 milyon ang sinunog ng mga otoridad sa Bacolod City.
Sa Instagram post, sinabi ni Javy na nasayang ang mga itlog na sana ay ipinamahagi na lamang sa publiko.
“Ang husto, husto. Ang sala, sala. Pero ang pagkaon nga para sa tawo, dapat para aa tawo,”(Tama, tama. Kasalanan, kasalanan. Ngunit ang pagkain na para sa mga tao, ay dapat para sa mga tao),” aniya.
Dagdag niya, imbes na sunugin agad ay dapat umisip muna ng magandang solusyon para rito.
“Tani may mas maayo na solusyon para diri. Pwede man idonar para sa nakagutuman, (May mas magandang solusyon para dito. Maaari rin itong i-donate para sa mga nagugutom),” giit ng alkalde.
Dagdag niya: “Indi ko kaya maghipos lang, kinahanglan ko ihambal sa inyo tanan ang sentimento ko (Hindi ako pwedeng manahimik na lang, kailangan kong sabihin sayo lahat ng nararamdaman ko),” sabi pa nito.
Matatandaan na sinunog ng Bacolod City Veterinary Office nitong Linggo ang 8,000 tray ng itlog mula Bantayan, Cebu na nakumpiska sa Bredco Port sa siyudad dahil expired na ang permit ng shipper.
Nangyari ang pagsunog sa mga itlog sa gitna ng pagtaas ng presyo nito sa merkado.