INIHAYAG ng pamilya ng football player na si Kieth Absalon na binaril ito at ang kanyang pinsan bago sila nasabugan ng IED na itinanim umano ng mga miyembro ng New People Army nitong Linggo sa Masbate City.
“We believe na hindi po sila namatay dahil lang po sa landmine,” ayon sa nakababatang kapatid ni Absalon na si Nathalie.
“Based on my parents and relatives statement and sa pictures na din po, meron pong bakas ng bala na makikita, which is the main reason why they died,” dagdag niya.
“Makikita ‘yung bakas ng bala sa mukha ng kuya ko at sa ulo at maging sa likod ng pinsan ko,” aniya pa.
Maliban kay Absalon, nasawi rin sa insidente ang pinsan niyang si Nolven Absalon, 40.
Sugatan naman ang 16-anyos na anak ni Nolven. Nakatakda itong sumailalim sa operasyon ngayong araw.
Sakay ng kanilang mga bisikleta ang tatlo nang madaanan ang nakabaon na bomba sa Purok 4, Brgy. Anas alas-6:45 ng umaga.
Giit ng pulisya, itinanim ang bomba ng mga rebelde.
“No other group would do this but the NPA,” ani Maj. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol Regional Police.
Naglaro si Absalon, 21, para sa Malaya Football Club at sa Far Eastern University football team.