PINAG-AARALAN na ng mga otoridad ang pagsasampa ng kaso sa isang dalaga sa Trento, Agusan del Sur na sinabi sa mga magulang na siya ay nakidnap.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na hindi totoong dinukot ang dalaga na nakilala sa alyas na Bebeng kundi bumisita lang ito sa kanyang boyfriend.
Inamin naman ni Bebeng na sinakyan lang niya ang “trend” kaugnay sa mga nawawalang indibidwal.
Matatandaan na kumalat ang balita online na nawawala si Bebeng, 19, residente ng Brgy. Sta. Maria noong nakaraang Linggo.
Dinukot ang biktima, dagdag ng mga ulat, habang pauwi ito galing sa trabaho.
Nagawa naman umano ng “biktima” na magsumbong sa mga magulang at sinabing isinakay siya ng mga di-kilalang lalaki sa itim na van.
Sa labis na pag-alala, agad na humingi ng tulong ang mga kapamilya sa pulisya.
Makaraan ang ilang araw ay lumutang si Bebeng sa kanilang bahay at inamin na hindi siya nakidnap kundi dinalaw lang ang kasintahan sa Bunawan, Davao City.