HINDI maipaliwanag ng isang ginang mula sa Dagupan City, Pangasinan kung paano tinubuan ng dalawang ngipin ang kasisilang niya na anak.
Kuwento ni Rowena Biazon ng Brgy. Bonuan Boquig, ipinanganak niya ang baby, na pinangalanan niyang Danica, nitong Oktober 3.
Aniya isang “premature baby” si Danica dahil napaaga ng isang buwan ang kapanganakan nito.
Laking-gulat naman niya nang makita na mayroon nang dalawang ngipin ang anak.
Paliwanag ng doktor ni Biazon na “natal teeth” ang mga ngipin ng baby. Isa itong “rare condition” kung saan nabubuo ang ngipin ng sanggol habang nasa sinapupunan.
Isa sa bawat 3,000 ipinapanganak na sanggol ay mayroong “natal teeth.”
Suhestiyon ng doktor, kailangang ipatanggal ang mga ngipin dahil mapanganib ito sa bata.
Paliwanag niya na maaaring makagat ng bata ang dila o malunok ang ngipin dahil hindi pa matibay ang gilagid nito.