SINAMPAHAN ng reklamo sa piskalya ang misis ng alkalde ng Lala, Lanao del Sur na hinambalos at sinuntok ang kapatid ng isang abogado kamakailan sa Iligan City.
Nagtungo sa Office of the Provincial Prosecutor sa Tubod si Atty. Saidamen Barrat at ang kanyang kapatid upang ireklamo ng slander by deed, at direct at indirect assault si Virginia Yap, asawa ni Mayor Angel Yap.
Matatandaang inilabas ng PUBLIKO ang video kung saan makikita kung paano hinampas nang paulit-ulit ni Yap ng nirolyong tarpaulin ang kapatid ni Barrat noong Hulyo 14.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa labas ng Department of Agrarian Reform Adjudication Board-Region 10 sa Iligan.
Bago iyon ay nag-usap sa harap ng provincial sheriff si Yap at ang mga tenant sa kanyang lupa kasama ang mga abogado nilang si Barrat.
Base sa writ of execution ng Provincial Agrarian Reform Adjudicator, ipinababalik na sa lupain ni Yap ang mga tenant.
Matapos ang pag-uusap ay kinalampag ni Yap ang sasakyang lulan si Barrat at ang mga opisyal ng Kilusang Maralita sa Kanayunan (KilosKa) na tumulong sa mga tenant na makabalik sa kanilang lupang sinasaka.
Sinabi ni KilosKa advocacy officer Anna Angus na galit na galit si Yap at sinisisi sila at ang abogado sa naging desisyon ng board.
Pilit ding pinalalabas ni Yap ng sasakyan si Barrat pero ang kapatid ng huli ang bumaba para pakalmahin ang asawa ng mayor.
Makikita sa video kung paano pinagbuntunan ng galit ni Yap ang kapatid ni Barrat, na sinangga lamang ang mga hampas.
Wala namang magawa ang mga pulis habang hinahambalos ni Yap ang biktima.
Samantala, napag-alaman na hindi pa rin ipinatutupad ang writ of execution kaya hindi pa nakababalik ang mga magsasaka sa lupang kanilang sinasaka.