ISINAILALIM sa state of calamity ang lalawigan ng Antique dahil bunsod ng mataas na kaso ng dengue.
Sa tala, umabot na sa 1,581 ang dengue cases sa lalawigan at lima rito ang nasawi, mula Enero hanggang Hulyo 9, 2022.
Ito ay 500 porsiyentong mas mataas sa naitala noong nakaraang taon na nakapagtala ng 224 kaso at dalawa ang nasawi.
Bago ito, tatlong munisipalidad sa Antique — Anini-y, Hamtic at Sibalom — ang naunang inilagay sa state of calamity dahil sa mataas na kaso ng dengue.
Ang dengue ay mula sa kagat ng lamok na Aedes aegypti na kadalasan makikita sa mga tropical at subtropical countries gaya ng Pilipinas, ayon sa World Health Organization.