TATLONG sibilyan ang sugatan matapos masunog ang ammunition depot sa loob ng Camp Evangelista sa Cagayan de Oro madaling araw ng Martes.
Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Army 4th Infantry Division Spokesperson Major Francisco Garello na nangyari ang insidente alas-12 ng hatinggabi.
“Kaninang 12 midnight, meron pong fire incident inside sa ammunition complex sa support unit ng Philippine Army sa Camp Evangelista sa Cagayan de Oro City. Sa ngayon declared fire out na around 3:10, kanina yung fire incident natin,” sabi ni Garello.
Idinagdag ni Garello na nagtamo ng bahagyang sugat ang mga biktima.
“Walang casualty sa ating personnel pero merong three injured civilians but in stable condition. May mga quarters po ang mga sundalo natin with their families sa loob ng camp,” aniya.
Inaalam pa ang pinagmulan ng sunog, ayon kay Garello.
“Hindi pa natin alam ang cause ng fire at hindi pa nasisimulan ang formal investigation,” aniya.