Akyat-bahay dinale pati ulam

TINANGAY na ang P300,000 halaga ng mga alahas at gadget ay nakikain pa ang lalaki na nanloob sa isang bahay sa Subic, Zambales.


Pinaghahanap na ng pulisya ang suspek na nahagip ng CCTV habang umaali-aligid sa bahay ng biktima.


Makikita rin sa footage kung paano binasag ng kawatan ang bahagi ng pinto bago ito pumasok.


Ayon sa may-ari ng bahay, nagulat siya nang makitang wasak ang pinto ng kanyang bahay. Aniya, lumabas lang siya sandali dahil may asikasuhin na mahalagang bagay.


Idinagdag ng biktima na tila dinaanan ng bagyo ang loob ng bahay at nawawala na ang kanyang mga alahas, gadget at damit na nagkakahalaga ng P300,000.


Nagulat din siya nang makitang nawawala na rin ang ulam na nakatakip sa mesa.


Tinutugis na ng mga otoridad ang suspek na itinuturo ring nanloob sa dalawa pang bahay sa siyudad.