HANGGANG 3,000 turista lamang ang kayang tanggapin ng Baguio City kada araw.
Ito ay para maiiwas ang lungsod sa panibagong pagtaas ng kaso ng coronavirus disease, ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Simula nang buksan ang syudad sa turista nitong Hunyo, hindi itinaas sa 3,000 ang bilang ng mga pinapapasok na turista, at wala umanong balak ang city government na dagdagan pa ito.
Ayon pa sa alkalde, umaabot lamang sa 1,500 hanggang 1,800 ang pumapasok sa lungsod tuwing week days. Nasa 5,000 naman ang bilang nitong weekend, na ayon sa alkalde ay pasok pa rin sa prescribed limit.
Sa kasalukuyan merong 374 hotel at transient houses ang binigyan ng certificate of accreditation at certificates of compliance para tumanggap ng mga turista na pinayagang makapasok sa lungsod.