HIMAS-REHAS ang dalawang miyembro ng LGBTQIA+ community na umano’y nangmolestiya ng bagets na kagagaling lang ng simbahan nitong Linggo sa Liloan, Cebu.
Sinampahan na ng reklamong acts of lasciviousness in relation to RA7610 o Anti- Child Abuse Act at paglabag sa RA 995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act ang mga suspek.
Nasakote ang mga suspek, isa ay kinilala bilang alyas Hannah, sa kanilang mga bahay sa Consolacion at Mandaue City.
Positibo silang kinilala ng biktima, 15, na umano’y nangmolestiya sa kanya malapit sa
national highway sa Brgy. Poblacion, Liloan, alas-7 ng gabi.
Ayon sa biktima, Grade 11 student, naglalakad siya pauwi galing ng simbahan nang harangin ng mga suspek at kaladkarin sa madamong bahagi ng daan.
Aniya, hindi na siya nakapalag dahil hawak siya sa dalawang braso ng mga suspek.
Sa rekord ng pulisya ay napag-alaman na habang ginagawan ng malalaswang bagay ang menor de edad ay kinukunan ito ng video ng mga suspek.
Agad na nagsumbong ang biktima sa mga magulang nito pag-uwi ng bahay.