KARAMIHAN ng naghahanap talaga ng trabaho sa labas ng bansa, ang isa sa kanilang major concern ay kung magkano ang maiuuwi para sa kanilang pamilya.
Oo nga naman, kaya mo nga isasakripisyo ang iyong pagkakawalay sa pamilya ay upang maging maayos ang inyong kinabukasan.
Ngunit, paano nga ba talaga nalalaman kung tama nga ba ang ibibigay na buwanang sahod para sa iyo? Narito ang mga tips:
1. Alamin ang bansang pupuntahan at higit sa lahat ang kanilang goverment deductions sa suweldo – gaya ng tax, health and social security benefits. Ilang percent ba ang maiiwan?
2. Basic expenses — magkano ba ang magigiging gastos mo habang nasa trabaho ka. Sasagutin ba ng kumpanya ang iyong tirahan, pagkain at transportation? May magandang link na puntahan para malaman ito gaya ng numbeo.com, or mga artikulo mula sa mga embahada ng bansang nais puntahan.
3. Labor laws at mga karapatan mo sa bansang pupuntahan — bawat website ng embassy na nais mong puntahan ay may listahan ng mga karampatang batas na nagsasaad ng mga karapatan ng mga contract workers.
Ito rin ay tinatatalakay online sa Pre-Employment Orientation Seminar or PEOS. Ito ay mandatory requirement na dapat sundin ng mga mag-aaplay abroad. Click nyo ang link na ito – www.peos.dmw.gov.ph.
May walong modules ito at kailangan ay ikaw ang tumapos nito, hindi ninuman, upang maging handa kayo sa pag-apply abroad. Kasama rin dito sa PEOS ang diskusyon tungkol sa karampatang sweldo na dapat matatangap ng isang magtratrabaho abroad.
4. Pag nag-apply kayo sa bawat agency na pupuntahan nyo, tiyakin na pagkatapos ng interview nyo ay tanungin ang buong sweldo, benepisyong ibibigay, mga deductions or ibabawas sa sweldo ayon sa sinasabi ng batas ng bansang pupuntahan.
Karagdagang tips:
Kung ang iyong goal ay mag-ipon at magretiro pa rin sa Pilipinas, ang maiging bansang puntahan para makapagtrabaho at makapag-ipon ay Middle East (Saudi Arabia, Qatar, Kuwait, Oman, Bahrain at UAE). Wala silang salary tax deduction. Hindi man ito sinlaki ng mga kita sa western countries, ang mga bansa sa Middle East ay nagbibigay ng libreng tirahan, food allowance at transportation expense. Ang hindi lang nila kayang gawin ay magbigay ng permanent residency.
Kung ang gusto mong gawin ay tumira for good sa ibang bansa, ang magandang puntahan ay Americas (gaya ng Canada or USA), Europe (gaya ng Germany, or any part of Europe), at Australia (depende sa job opportunity at National Occupation Code). Maganda rin na pumunta sa New Zealand, pero ito ay depende pa rin sa position gaya ng Australia.
Sa mga gustong makauwi kapag may promo ang airfare (gaya ng mga low-cost budgeted airline), Asia ang best na puntahan, gaya ng Hong Kong, Singapore, Malaysia, Macau at Thailand.
O ayan, sana makatulong ulit sa inyo at nawa’y maging matalino sa paghahanap ng trabaho. Take note, kahit na importante ang sweldo sa aplayang trabaho abroad, ipakita muna ang iyong skills upang malaman kung karapat-dapat ba ito sa sweldong iyong hinahangad. Hanggang sa muli!
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]