TIPS: Paano hindi mabibiktima ng illegal recruitment

THIRD week ng January 2023 nung ako ay naging bisita ng isang public service program sa isang radio station.

Naging kasama namin sa talakayan ay isang abogado sa Anti-Illegal Recruitment Branch ng Department of Migrant Workers kung saan tinalakay namin ang isang malaking issue tungkol sa mga biktima ng illegal recruitment sa Laos na inalok ng trabaho bilang mga BPO agents at pagdating sa Thailand ay pinuwersa silang maging scam agent online.

At kapag hindi sila umabot sa kanilang quota matinding parusang pisikal ang ginagawa sa kanila.

Kaya narito ang mga naging dahilan kung bakit maraming Pinoy ang madaling mabiktima ng illegal recruitment:

1. Nasilaw sa post sa social media

Maraming nasisilaw sa kaaya-ayang post sa social media tungkol sa magandang tabaho at mabilis na proseso paalis ng bansa.

Don’t get me wrong. Maraming recruitment agency rin ang gumagamit ng social media para mag-recruit, sa katunayan ay ang pinagtratrabahuan kong agency ay gamit na gamit ang FB.

Ngunit maraming gumagawa ng FB groups na tumatalakay tungkol sa trabaho at may isang magpopost na job opportunity na “too good to be true”. Gaya ng nangyari sa biktima ng illegal recruitment na BPO agents, sila ay nasilaw sa post nito at nagsimula ang transaction nila online.

Mabuting mag-check pa rin kayo kung ang kausap n’yo ba ay isang agent ng licensed ng Department of Migrant Workers.

2. Huwag agad-agad maniniwala

Pag nag-comment sa mga posts ng mga job openings, huwag maniniwala sa mga nakalagay na “madaling makapag-apply.” or “immigration consultancy” na mangangako ng mabilis na deployment at may kilala sa loob. Siguradong manloloko yan.

3. Sumali sa mga job fairs

Mas legitimate iyon dahil mga lisensyado ang sumasali sa ganitong mga event at dahil lahat sila ay kailangan muna kumuha ng permit bago makasali. At isa sa mga requirement ay may maipakitang lisensiya ang mga ito.

4. Check with DMW

Pero, kailangan pa ring mag-check sa DMW’s website para sa mga legitimate job openings at mas maige na tumawag sa ahensyang iyon para malaman kung aktibo pa rin sya na naghahanap ng aplikante o hindi.

5. Alagaan ang personal details

Huwag basta-basta magsusumite ng mga personal details at dokumento sa isang taong nagpapanggap na kawani or empleyado ng ahensya na walang pinapapirmang Data Privacy Policy.

Lahat ng kumpanya ay covered ng ating National Privacy Commission at meron silang mga patakaran na pina-publish nila kung paano nila proprotektahan ang inyong private information – passport number, NBI clearance, birth at marriage certificate.

Ang maiaadvise ko lang ay huwag basta-basta magtiwala sa mga mangangako na mapapadali ang alis mo papuntang abroad. Lahat ay may proseso. Kaya tyaga lang sa pag-aapply at pagsunod ng mga paraan.

Hanggang sa uulitin!