Magpapasko sa Pinas? Tips para hindi ma-stress sa gastos

MARAMI tayong kababayan OFW na magbabakasyon sa Pilipinas three years after hindi makauwi dahil sa mga travel restrictions dala ng coronavirus pandemic.

Syempre, masaya ang pamilya kasi sa wakas, makakasama na nila ang kanilang kapamilya na nagtrabaho sa malayong lugar ngayong kapaskuhan.

Hindi naman lingid sa atin na kapag nagbabakasyon ang mga OFW ay may mga dalang “extrang pera” yan maliban sa kanilang leave pay, sapagkat napag-ipunan nila ito. 

Pero take note, maaring maraming kamag-anak at kaibigan, pati mga “marites” na kapitbahay ang mangangantyaw at hihingi ng pasalubong, either goods or pera. 

Kaya naman, sa totoo lang maraming mga OFWs ang nagbabakasyon ang hindi nakakapag-relax talaga nang maayos.

So heto na ang listahan para malaman natin paano tayo magiging mindful sa perang dala-dala ng ating bakasyunista: 

1. Magplano  

Ngayon nandito na sa Pinas ang ating OFW, ano ba ang mga planong gawin? Magkakaroon ba ng family reunion – meaning kasama hindi lang parehong partidos ng pamilya – at sino ang sasagot ng gastusin sa handaan at venue? Maging kontrolado ano lang kayang i-commit na sasagutin. 

2. Limitahan sino ang bibigyan ng pasalubong

Mas maiging bumili na ang ating OFW na magbabakasyon anong ipapasalubong. E ano kung sabon or lotion lang ibibigay? O di kaya tsokolate, isang pack ng blue seal or Spam? It’s the thought that counts! Tandaan ninyong mga bakasyunista, hindi kayo si Santa Claus. Syempre, para sa mahal sa buhay gaya ng asawa, anak, kapatid at magulang, medyo bongga na hindi nakakaiyak sa budget ang pasalubong. 

3. Sulitin ang bakasyon 

Kung nakaplano na ang pag-uwi, tiyakin na makapag-book agad in advance sa mga lugar kung saan magtutungo ang pamilya. Maraming promo packages na pwedeng kunin. Mag-isip ng activities na mag-eenjoy ang buong family dahil bonding time ninyo ito. Huwag isipin dahil maraming pera ang ating bida ay waldasin na ito para maging masaya.

4. Ang ating OFW ay hindi ATM 

Okay lang umattend ng mga reunion, gathering, pero tandan ninyo kahit matindi pa ang kantyaw ng mga tao sa hinihiling nila na ibigay mo, ibigay lang ang kaya mo. Ano ba ang mas mahalaga, image mo na sinasabing “asensado ka dahil mapera ka” o yung maiiwan mo sa pamilya mo pagbalik mo sa trabaho abroad? 

Sana maging wise ang ating mga bagong bayani sa mga pera. Alam ko yan, kasi na-experience ko iyan sa aking Tatay at mga kapatid na nasa abroad. Huwag mahihiyang sabihin ano lang pwedeng sagutin. Hindi naman nakakabawas ng pogi or ganda points iyon. Hanggang sa susunod!


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]