HUWAG palaging iisipin na makikipagsapalaran ka lang, kaya kahit kulang ang dokumento ay pupunta ka para subukan ang mag-apply abroad. Kung susubukan lang, ‘wag na! Dapat siguradong-sigurado.
Kaya dapat kumpleto ang mga dokumentong kakailanganin sa pag-aaplay. Hindi dapat sayangin ang bawat oras at pagkakataon, at lalo na ang pera. Gagastos ka rin naman sa pag-aaplay, paghandaan mo na para hindi ka pabalik-balik.
Maging handa rin sa mga posibleng itanong sa iyo tungkol sa iyong trabahong nais aplayan. Hangga’t maari ay i-highlight ang iyong mga skills at talent lalo na sa iyong mga kritikal na trabaho at paano mo ito nalampasan.
Manamit nang maayos. May mga trabaho na kailangan presentable at maayos ang itsura gaya ng flight attendant, mga front-of-the-house gaya ng hosts, customer service, sales o di kaya receptionist. Pero kahit ano pang trabaho ang aaplayan mo, dapat presentable ka. Hindi kailangan maging bongga ang pananamit, basta’t maayos, malinis at kaaya-ayang tingnan.
Kung ikaw ay may interview schedule na, siguraduhin na ito ay iyong pupuntahan. At siguraduhin na nasa oras ka. Ngunit, kung hindi ka naman talaga available ay makiusap kung may available pang schedule. Malas mo lang if talagang wala na, laaanan na ito ng panahon.
Magdala ng isang water tumbler na may laman na malamig na tubig. Stay hydrated.
Maging magalang sa lahat na pagkakataon, hindi lang sa panahon na ikaw ay haharap sa mag-iinterview sa iyo.
Habaan ang pasensya lalo na kung maraming tao ang nasa labas na nakapila habang nag-aaplay ng trabaho.
Huwag mag-a-AWOL sa trabaho. Kung trusted naman ang iyong immediate manager, inform mo sila na ikaw ay nagbabalak nang magtrabaho abroad at kung ikaw ay matatanggap, willing kang mag-render ng iyong notice period. Sa gayon, makakapaghanda rin ang iyong department kung meron na rin silang ite-train na kapalit mo kung ikaw ay palarin sa trabahong aaplayan.
Bago rin mag-apply ng trabaho, pag-ipunan muna ang budget at kumuha ka ng medical test – dugo at baga. May mga bansang hindi pinapayagan ang mga merong tinatawag na peklat sa baga gaya ng Middle East, at may impeksyon sa baga gaya ng Canada, Australia at UK. Kung may problema sa dugo na madali naman gumaling, mas maigi rin na gastusan muna ang gamutan bago mag-apply abroad.
Mag-aral mag-drive ng 4-wheel vehicle. May mga trabaho na nagbibigay ng service vehicle kaya mas mainam na gawin ito.
Nawa’y makatulong ang listahan na ito sa inyo upang marating ang inyong pangarap na magtrabaho abroad. Hanggang sa muli!