Obrero nalibing nang buhay

NASAWI ang construction worker habang sugatan ang tatlo niyang katrabaho nang matabunan sila ng gumuhong lupa sa ginagawang kalsada sa Malay, Aklan Sabado ng hapon.

Kinilala ang namatay na si Modesto Appellido, 44, residente ng Bingawan, Iloilo at tauhan ng Gurrea Construction Company.

Ginagamot naman sa ospital sina Jade Daryl Castillo, 27; Jay Castillo, 22; at Darius Castillo, 48, mga residente ng Brgy. Caticlan.

Ayon sa ulat, naghuhukay ng lupa gamit ang backhoe ang mga obrero sa mataas na bahagi ng Sitio Putol, Brgy. Caticlan nang biglang gumuho ang malambot na lupa at natabunan sila.

Agad na narekober ang mga trabahador at dinala sa Malay Municipal Hospital.

Hindi naman naisalba ng mga manggagamot ang buhay’ ni Appellido.

Sinabi ng pulisya na lumambot ang lupa dahil sa pag-uulan ng mga nakaraang araw.