PINALAYA ng pulisya ang barangay kagawad at Sangguniang Kabataan (SK) chair na naaktuhan sa loob ng motel sa Lapu-Lapu City, Cebu nitong Martes.
Ang paliwanag ng pulisya, hindi maaaring kasuhan ng concubinage ang kagawad, 35, at ang SK chair, 22, dahil hindi nahuli ang mga ito na nagtatalik.
Nang datnan ng pulisya sa loob ng silid ay kapwa nakadamit ang dalawa at nag-uusap lang.
“Pwede unta to siya masulod if naaktuhan nga naa sa conjugal dwelling ang lalaki ug iyahang kerida, tapos, most importantly, katong naay sexual intercourse nga na aktuhan pud, (Maari sanang makasuhan kung natuklasan na nasa conjugal dwelling ang lalaki at ang kanyang kasintahan, at higit sa lahat, sana ay kung natuklasan din na nagtatalik),” ayon sa pulis.
Matatandaan na isinuplong sa mga otoridad ng misis ng kagawad ang magkalaguyo makaraan niyang matunton sa motel ang mga ito.
Sinalakay ng mga pulis ang motel pero nadatnan nilang nag-uusap lang ang dalawa.
Gayunman, dinala sila sa presinto bago agad ding pinakawalan.
Irereklamo na lang ang kagawad ng kanyang misis ng paglabag sa Republic Act no. 9262 o Violation Against Women and their Children Act.