INARESTO ng pulisya ang direktor na si Jade Castro at tatlong kasama nito dahil sa umano’y pagsunog sa isang pampasaherong jeep sa Mulanay, Quezon noong isang linggo.
Hindi naman kinilala ang iba pang naaresto na kasama ni Castro, na kinabibilangan ng dalawang engineer at isang business manager, na sinampahan ng kasong arson sa Catanauan Prosecutor’s Office.
Ayon sa ulat, dinakip sa isang resort sa Mulanay ang grupo nitong Miyerkules, January 31 base sa reklamo ng mga kawani ng Gumaca Transport Service Cooperative at ilang pasahero.
Sila ang itinuturong nanunog sa isang modernized jeep sa Barangay Dahican, Catanauan, Quezon.
Sa kanyang tweet nitong Biyernes, sinabi ni Castro na biktima sila ng mistaken identity.
“Inosente kami. Nagbabakasyon lang kaming magkakaibigan sa Mulanay, Quezon pero inaresto kami sa krimen na nangyari sa Catanauan,” sabi niya.
Kaugnay nito, nananawagan ang pamilya at mga katrabaho ni Castro na palayin na siya at ang tatlo niyang mga kasamahan.
Si Castro ang direktor ng mga pelikulang “Endo,” “My Big Love,” “Zombadings 1: Patayin sa Shokot si Remington,” “My Kontrabida Girl” at “My Lady Boss.”